May-ari ng center na dawit sa dialysis scandal inaresto

ABS-CBN News

Posted at Jun 10 2019 07:13 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Inaresto ngayong Lunes ng National Bureau of Investigation (NBI) ang may-ari ng dialysis center na inaakusahang naghahain ng "ghost" claims sa Philippine Health Insurance Corp (PhilHealth).

Dinampot si Brian Sy, may-ari ng WellMed Dialysis and Laboratory Center sa Quezon City, dahil sa mga kasong estafa, falsification of public documents, at paglabag sa PhilHealth Law.

Nagpunta si Sy sa NBI kasama ang kaniyang abogado para ipaliwanag na ang mga dating empleyado ng dialysis center ang mga umano ay utak sa likod ng maanomalyang PhilHealth claims.

Patuloy pa rin umanong nangubra ang dialysis center sa government health insurance firm kahit patay na ang mga pasyente, ayon sa dating empleyadong si Edwin Roberto.

Ayon kay Sy, si Roberto at ang dating PhilHealth officer na si Liezel Santos ang nagsabwatan para palusutin ang mga "ghost" claim.

Nagkaroon daw sila ng sariling audit noong 2018 nang masita ang trabaho ng dalawa.

Dumating din sa NBI si Santos at Roberto, at sinabi ng dalawa na si Sy mismo ang nag-utos sa kanila na ipalsipika ang mga rekord ng mga pasyente.

Nilinaw ng NBI na kakasuhan din sina Roberto at Santos.

Pag-aaralan pa ng NBI ang hiling nina Roberto at Santos na maging state witness sa kaso.

Nauna nang ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pag-aresto kay Sy dahil sa mga pekeng claim.

Sinubukang kuhanin ng ABS-CBN News ang pahayag ng legal counsel ng Wellmed ukol sa pagdakip sa may-ari nito pero tumanggi siyang magbigay ng pahayag.--Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.