Bangkay ng lalaki, natagpuan sa bakanteng lote sa Zamboanga City

RJ Rosalado, ABS-CBN News

Posted at Jun 10 2019 10:44 PM | Updated as of Jun 10 2019 10:46 PM

ZAMBOANGA CITY - Isang bangkay ng lalaki ang natagpuan ng construction workers sa bakanteng lote sa likod ng isang pribadong paaralan sa Barangay Pasobolong, Zamboanga city Lunes ng hapon.

Ayon sa pulisya, ang construction worker na si Alpi Jawhali ang unang nakakita sa bangkay sa likod ng isang gusali, kung saan siya nagtatrabaho.

Unang napansin ni Jawhali ang mabahong amoy, kaya nang hinanap niya ito ay nakita niya ang duguang katawan ng lalaki na nakahandusay sa may damuhan.

Hindi agad nilapitan ni Jawhali ang bangkay, at ni-report niya ito sa kanilang supervisor.

Nakasuot ng itim na damit at short pants ang lalaki.

Pero hirap na siyang makilala ng mga residente sa lugar, dahil unti-unti nang naaagnas ang katawan at mukha.

Ayon kay Police Major Hazel Fernandez, hepe ng Police Station 4, posibleng may foul play sa pagkamatay ng lalaki, dahil sa mga sugat nito sa mukha at ulo.

Pero hindi pa malaman sa ngayon ng mga pulis kung binugbog ba ang biktima o pinukpok ng matigas na bagay sa ulo.

Umaabot na sa dalawa hanggang tatlong araw nang walang buhay ang lalaki.

Sa isinagawang inspeksiyon ng Philippine National Police Crime Lab, may nakuha silang ilang bato sa bulsa ng lalaki. Pero wala itong pitaka o identification cards.

Dinala na sa isang punerarya ang katawan, habang hinihintay pa ng mga pulis kung may lulutang na pamilya na makakapagbigay linaw sa kung ano ang nangyari sa biktima.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.