Trapik sa Benguet sumikip dahil sa mga stranded na truck

Marianne Claire Reyes, ABS-CBN News

Posted at Jun 10 2018 04:10 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

 Video mula kay Samuel Nerona 

MANILA - Na-stranded ang ilang truck sa Marcos Highway sa Benguet kasabay ng mga pag-ulan ngayong Linggo, dahilan para magsikip ang trapik doon. 

Hindi nakayanan ng mga truck na papuntang Baguio City na makaahon sa mga matarik na bahagi ng kalsada dahil madulas ang aspalto na nabasa ng tubig-ulan. 

Kinailangang hatakin ng mga residente at awtoridad ang mga truck para maitabi ang mga ito sa gilid ng kalsada. 

Dahil dito, isang linya lang ng Marcos Highway ang nadaanan ng maliliit na sasakyan kaya umabot ng 3 kilometro ang mabigat na trapik papasok at palabas ng Baguio.

Nagbalik sa normal ang trapik alas-3 ng hapon. Hindi naapektuhan ng insidente ang mga kalsada sa loob ng Baguio. 

Bukod sa Marcos Highway, maaari ring dumaan sa Nagulian at Kennon roads ang mga motoristang palabas at papasok ng lungsod. 

Nitong Sabado, naistranded din ang ilang truck sa Marcos Highway dahil sa mga pag-ulan.

Nagtiis sa 13 oras na trapik ang ilang biyahero habang ang ilan ay bumaba na lang ng sasakyan at naglakad sa kasagsagan ng ulan.

Pinapalakas ng Bagyong Domeng ang habagat na nagdadala ng mga pag-ulan sa Luzon, ayon sa state weather bureau PAGASA.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.