MANILA -- (UPDATED) Patay ang isang paring Katoliko matapos pagbabarilin sa loob ng chapel sa Barangay Mayamot sa bayan ng Zaragosa, Nueva Ecija Linggo ng gabi.
Kinilala ang biktima na si Fr. Richmond Nilo ng Diocese of Cabanatuan.
Ayon kay Chief Inspector Muhamad Taufh, magsisimula nang magmisa si Fr. Nilo nang pumasok ang dalawang gunman na nagpanggap na magsisimba at saka binaril ang biktima na naging dahilan ng kanyang agarang pagkamatay.
Patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya tungkol sa insidente o kung may nakakilala sa mga salarin.
Bago nito ay nag-post pa sa kaniyang social media account ang pari tungkol sa isang religious debate na gaganapin sa Agosto.
Samantala, kinondena ng Volunteers Against Crime and Corruption ang pagpatay kay Fr. Nilo.
Dagdag pa ng grupo, si Fr. Nilo na ang ikalawang paring pinatay sa Nueva Ecija.
Una nang pinatay si Fr. Marcelito Paez noong Disyembre 2017.
Hiling ng grupo sa pulisya na bigyan ng hustisya ang pagkamatay ng mga nasabing pari.
"VACC, an active anti-crime watch dog since 1998, is appealing to the PNP and law enforcement agencies to identify and apprehend the perpetrators so that they can be brought to immediate justice," pahayag ng grupo.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
Nueva Ecija, pamamaril, Fr. Richmond Nilo, Tagalog news