'Domeng,' lalong lumakas pero nakalabas na ng PAR

ABS-CBN News

Posted at Jun 10 2018 05:06 PM | Updated as of Jun 10 2018 09:26 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Asahan pa rin ang ulan kahit nakalabas na ng PAR ang bagyo

Lalo pang lumakas ang bagyong "Domeng" na naging typhoon at ngayo'y nasa labas na ng Philippine Area of Responsibility (PAR). 

Sa pagtataya ng PAGASA nitong alas-9 ng umaga ng Linggo, ang bagyong Domeng ay nasa 1,045 kilometro silangan hilagang-silangan ng Basco, Batanes.

May lakas itong 120 kilometro kada oras (kilometers per hour/kph) at bugsong aabot sa 145 kph.

Kumikilos itong pa-hilagang silangan sa bilis na 37 kph.

Nasa labas man ng PAR, patuloy na pinalalakas ng bagyo ang habagat na nagpapaulan sa Luzon, partikular na sa kanlurang bahagi nito.

Inaabisuhan pa rin ang publiko na patuloy na mag-ingat sa banta ng baha at landslides.

Nananatili ring delikado ang paglalayag sa northern at eastern seaboards ng Northern Luzon, seaboards ng Central Luzon, at western at southern seaboards ng Southern Luzon.

Walang nakataas na storm warning signal sa anumang bahagi ng bansa.

MAGDAMAG NA ULAN, BAHA

Mula alas-11 ng gabi ng Sabado, Hunyo 9, hanggang alas-2 ng madaling araw nitong Linggo, naranasan ang pinakamalakas na buhos ng ulan, ayon sa PAGASA.

Sabi ng PAGASA, umabot sa 57 millimeters o katumbas ng 12-24 gallons ng tubig per square meter ang bumuhos sa nasabing panahon.

Sa Makati, nagkabuhol-buhol ang trapiko sa intersection ng Osmeña Highway at Buendia Avenue.

Nag-alangan kasi ang ilang motorista, lalo na iyong nagmamaneho ng maliliit na sasakyan na sumulong sa bahang gutter-deep.

Perwisyo man sa iba, pagkakataon naman ito para sa ilang pedicab driver na kumita dahil sila ang nagtatawid sa ilang stranded sa hanggang tuhod na baha sa kalsada.

Ingat na ingat din ang mga motoristang ayaw matirikan ng sasakyan sa pagdaan sa binahang bahagi ng United Nations Avenue at España Boulevard sa Maynila.

Aabot hanggang hita ang baha sa gitnang bahagi ng España.

Sa Sta. Mesa, mula Pureza Station ng LRT, Ramon Magsaysay Boulevard hanggang bago umakyat ng Ayala Bridge, naging lagpas-tuhod ang baha na nagpatirik sa ilang kotse at motorsiklo.

Hindi naman madaanan kagabi ang kahabaan ng Recto Avenue dahil din sa baha.

Sa Quezon City, umabot hanggang hita ang baha sa Scout Tobias, habang gutter-deep naman sa Scout Borromeo.

Umapaw na rin kasi ang ilang kanal kasabay ng napakalakas na ulan.

Sa Panay Avenue, lagpas-tao ang baha. Pero natuto na ang mga residente na kaagad tanggalin ang mga sasakyan kapag bubuhos ang malakas na ulan. 

Lagpas gutter ang baha sa ilang bahagi ng Mandaluyong, partikular sa Boni Avenue papuntang Mandaluyong City Hall noong gabi ng Sabado.

Wala nang makadaang light vehicles at umaakyat na sa plant box ang mga residenteng nais makatawid sa kalsada.

Sa Nueve De Pebrero street naman, isang SUV ang tumirik matapos subukang tawirin ang binahang bahagi ng kalsada.

Inanod naman sa Baywalk sa Roxas Boulevard ang mga basurang humalo sa tubig ng Manila Bay.

Watch more in iWant or iWantTFC

KINUKUMPUNING DAAN

Bukod sa baha, pahirap din sa mga motorista sa Barangay Malanday, Malabon ang bungi-bunging kalsada dahil sa kabi-kabilang road construction.

Apektado rin ng bako-bakong daan ang pamamasada ng mga pedicab driver.

Pagtitiyak naman ng contractor, matatapos na ang road construction sa loob ng dalawang linggo.

Sa Valenzuela, ilang bahay ang pinasok na ng baha.

Nag-aalala rin ang mga residente sa sakit na maaaring idulot ng umapaw na tubig.

Sa Antipolo, iniinda na ng mga residente ng isang subdivision ang dalawang araw na baha sa kanilang lugar.

-- Ulat nina Lady Vicencio at Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.