Dalawang bahay, nawasak ng malalakas na alon

ABS-CBN News

Posted at Jun 10 2018 08:03 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Nawasak ang dalawang bahay nang hampasin ng naglalakihang alon sa Barangay Ortiz, Iloilo City.

Mabilis namang nakalabas ng bahay ang mga may-ari at dalawa nilang anak bago tuluyang bumigay ang estruktura.

Pansamantalang titira ang mga apektadong residente sa evacuation center ng barangay.

Limang pamilya naman ang nawalan ng tirahan sa Barangay Pulung Bulu, San Fernando, Pampanga matapos tangayin ng rumaragasang ilog ang kanilang bahay.
    
Sa bayan naman ng Pasacao, Camarines Sur, malakas din ang alon kaya hindi muna pinayagang makatawid ang mga bangka papuntang San Pascual, Masbate.

Stranded ang halos 200 pasahero.

Sa Baguio City, simula Sabado, Hunyo 9, hanggang hapon ng Linggo, nagsikip ang traffic sa Marcos Highway dahil hindi makausad paakyat ang mga kargadong truck bunsod ng maputik na kalsada.

Tuloy-tuloy din kasi ang pag-uulan dahil sa habagat.

Napilitang maglakad na lang ang ilang pasahero.

Bandang alas-3 ng hapon nitong Linggo, nadaraanan na ulit ang dalawang lane sa Marcos Highway.

-- Ulat ni Marianne Reyes, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.