Bahagi ng Malacañang Complex, nasunog

ABS-CBN News

Posted at Jun 10 2018 05:41 PM

Nasunog nitong Linggo ng hapon ang bahagi ng isang gusali sa Malacañang Complex sa San Rafael Street, Maynila.

Ayon sa Bureau of Fire Protection, 2:13 ng hapon nang magsimula ang sunog sa storage room ng Assets Management Office na nasa ilalim ng Office of the President.

Itinaas sa unang alarma ang sunog pero naapula rin bandang 2:45 ng hapon.

Wala namang naiulat nasaktan sa naturang sunog.

Patuloy pang iniimbestigahan ang sanhi ng apoy at halaga ng natupok.

Tumanggi naman sa panayam ang mga tauhan at security guard ng naturang establisimyento.

-- Ulat ni Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.