2 patay sa pamamaril ng pulis sa Ilocos Sur

Grace Alba, ABS-CBN News

Posted at Jun 10 2018 04:01 PM | Updated as of Jun 10 2018 09:09 PM

STO. DOMINGO, Ilocos Sur - Dalawa ang patay matapos umanong barilin ng isang pulis Sabado ng gabi sa Barangay Naglaoa-an.

Kinilala ang mga biktimang sina Florante Tabuso at Liezel Agcamaran na nasawi habang dumadalo sa isang kasalan. 

Nakikipag-inuman noon si Tabuso kasama ang isa pang kamag-anak nang lapitan ni PO2 Jun Christopher Briones para kamayan. Pero imbes na makipagkamay, kinapkapan agad ni Tabuso ang pulis, at nagkainitan na ang dalawa.

Bumunot ng baril ang pulis at pinigilan naman siya ni Tabusa. Nagkaagawan ng baril ang dalawa hanggang sa mabaril ng pulis ang biktimang agad ring namatay sa lugar.

Samantala naman, na nanonood lamang ng sayawan noon si Agcamaran nang tinamaan din ng bala. 

Sa ospital na ito namatay dahil din sa tama sa dibdib.

Nasugatan naman ang tatlo pang indibidwal, kabilang na ang isang 10 taong gulang na lalaki. 

Agad namang tumakas ang pulis pero nakuha sa crime scene ang 7 basyo ng kalibere .45 na baril. 

Tinitingnan ng mga awtoridad ang anggulong alitan sa pagitan ng pamilya Briones at Tabuso.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.