100 distressed OFWs mula Abu Dhabi, nakauwi na sa Pilipinas

ABS-CBN News

Posted at Jun 10 2018 05:52 PM | Updated as of Jun 10 2018 06:17 PM

Nasa 100 distressed overseas Filipino workers (OFW) mula Abu Dhabi, United Arab Emirates ang nakauwi sa bansa nitong umaga ng Linggo.

Lumapag sa NAIA Terminal 1 ang eroplanong lulan ang mga OFW na karamihan ay mga babaeng nagtrabaho sa Abu Dhabi bilang household service workers.

Ang ilan sa kanila ay nagkaroon ng problema sa kanilang mga kontrata, nakaranas ng hindi patas na pagtrato mula sa mga amo, at nagtrabaho sa bansa kahit walang kaukulang dokumento.

Sinalubong ang mga nagbabalik-bansang manggagawa ng mga opisyal ng Department of Foreign Affairs sa pangunguna ni Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano.

Libre ang pamasahe ng mga distressed OFW pauwi ng Pilipinas at pamasahe pauwi sa kani-kanilang mga pamilya, ayon kay Cayetano.

Nakatanggap ang mga OFW ng P5,000 cash assistance at maaari umano silang makakuha pa ng P20,000 livelihood assistance sa mga regional office ng Overseas Workers Welfare Administration.

Ang mga interesado namang makakuha ng mga bagong kasanayan ay hinimok na mag-enroll sa mga programa ng Technical Education and Skills Development Authority.-- Ulat ni Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.