Pamamaril sa dating vice governor ng Abra, iimbestigahan

Kevin Manalo, ABS-CBN News

Posted at Jun 10 2017 07:15 PM | Updated as of Jun 10 2017 08:55 PM

MANILA — Bumuo na ng special investigation task group ang Marikina Police para imbestigahan ang pamamaril na ikinamatay ni dating Abra vice-governor Rolando Somera.

Namatay si Somera matapos siyang barilin ng isang hindi pa nakikilalang lalaki Sabado ng madaling araw sa Munding Avenue, Barangay San Roque, Marikina City.

Dead on the spot si Somera na residente umano ng Cainta, Rizal.

Sugatan naman ang 2 pang kasama ni Somera na ngayon ay nasa ospital pa at nagpapagaling.

Sa inisiyal na imbestigasyon, lumalabas na inabangan na ng suspek si Somera paglabas niya sa San Roque Cockpit Arena sa Barangay San Roque pasado ala-1 ng madaling araw.

Nagtamo ng tatlong tama ng baril si Somera na naging dahilan ng agaran niyang pagkamatay. Tig-isa naman ng tama ng bala ang dalawa pa niyang kasama.

Ayon pa kay P/Supt. Lorenzo Holanday Jr., hepe ng Marikina PNP, nasa kanila na ang kopya ng CCTV footage ng nangyaring pamamaril. 

Tuloy-tuloy na rin ang pagkalap nila ng impormasyon sa suspek. Napag-alaman din na may kasabwat ang gunman na sakay ng motorsiklo at kasabay nitong tumakas base sa kuha ng CCTV.

Sa ngayon, tinitingnan na ng pulis ang lahat ng anggulo sa motibo ng gunman na patayin ang dating bise gobernador. Wala pang plano ang pamilya kung kailan iuuwi sa Abra ang bangkay ni Somera.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.