Mga sekyu na naka-duty noong #ResortsWorldAttack, pinasisibak

ABS-CBN News

Posted at Jun 10 2017 06:09 PM | Updated as of Jun 10 2017 08:51 PM

Pinasisibak ng Philippine National Police Supervisory Office for Security and Investigation Agencies (PNP SOSIA) ang mga security guard na naka-duty noong gabi ng pag-atake sa Resorts World Manila (RWM).

Sa final investigation ng PNP SOSIA, nabunyag ang umano'y security lapses ng NC Lanting Security Specialist Agency, ang security provider ng Resorts World Manila.

“By virtue of the power vested by laws, rules and regulations to the PNP, exercised through the SOSIA, NC Lanting Security Specialist Agency is hereby ordered to prohibit guard duties and hereby relieve its posted security guards at the entrances and exits of Maxims Hotel and Newport Mall of Resorts World Manila until further notice,” ayon sa PNP-SOSIA.

Nakabantay na guwardiya, kulang ayon sa PNP-SOSIA

Kabilang sa mga butas na napansin ay ang pagtatalaga ng isang guwardiya lang sa parking entrance kung saan pumasok ang gunman, imbes na duty pairing system.

“The duty pairing system was not observed since only a lady security guard (LG Mary Grace Rivera Rayala) manned the post where the culprit entered as shown on the CCTV (closed circuit television) footages from RWM and through the admission of Lanting Management and security guard Edwin Parulan Ciriaco, who was also a lone roving guard at the 2nd, 3rd and 4th floor of the mall,” nakasaad sa ulat.

Sa phone interview naman ng ABS-CBN News, sinabi ni PNP-SOSIA Director Chief Superintendent Jose Mario Espino na dapat isagawa ang buddy system lalo na kung ang binabantayan ay strategic na lokasyon tulad ng mga pasukan.

“It is a general principle in security. The security guards must be in pairs ‘pag nagdu-duty. Crucial ‘yon particularly sa mga entrances because ‘yung sa gender sensitivity natin,” ayon kay Espino.

“There should be a male and female guard na. Sa pagkakataong iyon, it’s the management decision na ang deployment na babae lang daw para pwedeng kapkapan niya na rin yung lalaki. It’s a violation. 

“Hinihintay lang namin ang mismong statement ng Lanting na ‘yung management niya ang nag-dictate ‘non.”

Napag-alaman din ng PNP-SOSIA na walang sekyu na naka-duty sa executive lift kung saan pumasok ang gunman na si Jessie Carlos.

“Doon sa executive lift nila kung saan pumasok si Carlos, talagang wala pala silang duty after 7 p.m. Very crucial kasi wala nang nag-i-inspect kung may pupunta, papasok sa elevator,” sabi ni Espino. 

Ayon pa kay Espino, ikinagulat niya na hindi mahigpit ang seguridad sa casino kahit nag-issue ng advisory ang PNP ukol sa mga bomb threat.

“May advisory ang PAGCOR, kami rin may advisory rin kami kasi nga with the ASEAN meeting, constant threat ng bombing. Bakit gano'n pa rin ang security deployment na sinusunod nila,” ani Espino.

Kontrata ng RWM at NC Lanting, tapos na

Lumabas din sa imbestigasyon na nagtapos na ang kontrata sa pagitan ng NC Lanting Security Specialist Agency at Resorts World Manila. 

“Nag-lapse na April ang kontrata, hindi pa ma-a-award doon sa bago, na-hold over lang siya. Tatlo sila. Hindi pa malaman kung si Lanting ang mag-continue, o papalitan na siya," ayon kay Espino.

Security plan, 'hindi malinaw'

Kulang din anila sa training sa mall security ang mga guwardiya.

Napag-alaman din ang baril na gamit ng internal security laban sa suspek ay hiniram lang mula sa isa sa mga gwardya. 

Sa pangkalahatan, walang malinaw na security plan ang security provider ng Resorts World Manila, ayon sa ulat ng PNP SOSIA.

“Lanting has no security plan to ensure compliance with the prescribed security requirements of the PNP, except its deployment plan in the form of its Daily Shifting Detail Order."

Dagdag pa ni Espino, bagaman noong 2009 pa ang kontrata ng Resorts World Manila sa security provider nito, wala pa ring plano para sa mga insidenteng tulad nito.

“Zero security plan. Matagal na sila diyan. From ground zero, 2009,” sabi ni Espino.

Higit 30 ang namatay sa nangyaring pag-atake sa Resorts World Manila noong Hunyo 2.

Nauna na ring sinuspinde ng Philippine Amusement and Gaming Corp. ang provisional license ng Travellers International Hotel Group Inc., ang kumpanyang nagpapatakbo sa Resorts World Manila Biyernes.

-- Ulat nina Maan Macapagal at Jeck Batallones, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.