Lalaki, patay sa aksidente sa Taguig

Ron Lopez, DZMM

Posted at Jun 10 2017 10:57 AM

MANILA - Patay ang isang motorcycle rider matapos bumangga sa dalawang kotse sa kahabaan ng McKinley Road, Taguig City Biyernes ng gabi.

Dead on the spot ang biktimang si Denver Suarez, residente ng Western Bicutan.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng Taguig Traffic Sector at mga security guard sa lugar, binabaybay ng biktima ang McKinley Road papuntang EDSA pasado alas-10 ng gabi upang sunduin ang kanyang asawa.

Nang dumating ito sa harap ng Santis Don Antonio Plaza Arcade ay bumangga ito sa likuran ng isang Toyota Avanza na may plakang ABE-9705, dahilan para mawalan ito ng balanse at lumihis sa kabilang linya.

Nasalpok naman siya ng isang paparating na Toyota Vios na may plakang AAW 7443 na mabilis umano ang takbo.

Sinubukan pang bigyan ng paunang lunas ang biktima nang dumating ang ambulansiya ng Ospital ng Makati, pero idineklara na itong patay ng kanilang head nurse pasado alas-11 ng gabi.

Bagamat nakasuot ng half face helmet ay nagtamo ng matinding pinsala ang biktima sa kanyang ulo na posibleng dahilan ng kanyang pagkamatay.

Alas-12 na ng hatinggabi nang maialis ang bangkay ng biktima sa lugar kaya’t nagdulot ito ng pagbigat ng daloy ng trapiko.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa pananagutan ng dalawang driver na nakabangga ng biktima.

 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.