'Di bababa sa 7 patay sa paglubog ng bangka sa Romblon

Dennis Datu, ABS-CBN News

Posted at Jun 10 2017 02:50 PM

Pinaghahanap pa rin ang 3 katao na nawawala pa rin matapos lumubog ang isang pampasaherong bangka sa Romblon nitong Biyernes

MANILA-Umakyat na sa 7 ang bilang ng mga namatay sa paglubog ng isang pampasaherong bangka sa munisipalidad ng Romblon, Romblon nitong Biyernes ng tanghali.

Kinilala ni Romblon Municipal Police Station Deputy Chief of Police, Senior Insp. Ledilyn Ambonan ang mga nasawi na sina Dr. Laudemir Famarin, Josephine Mutya, 40, Annacel Makalipay, John Mark Mingo, Cristel Jane Hawod, Evangeline Lamarta Cledera, at isang hindi pa nakikilalang biktima.

Lulan ng MB Alad Express ang 50 pasahero at 5 tripulante nang lumubog ito sa karagatan sa may bahagi ng Barangay Agbudia mula Magdiwang, Sibuyan Island.

Nailigtas naman ang 49 katao, kung saan 45 dito ay pasahero at 4 ang crew kabilang na ang kapitan. Dinala ang mga nakaligtas sa Romblon District Hospital.

Samantala, 3 katao pa ang pinaghahanap.

Sinasabing masama ang panahon sa karagatan ng Romblon nang mangyari ang pagtaob ng bangka.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.