PatrolPH

Imbestigasyon sa umano’y ‘agaw-lupa’ sa Hermosa, Bataan sisimulan na

Reiniel Pawid, ABS-CBN News

Posted at Jun 09 2022 07:45 PM

Sisimulan na ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa susunod na linggo ang imbestigasyon sa umano’y maanomalyang listahan ng agrarian reform beneficiaries sa Barangay Sumalo, Hermosa, Bataan.

Ayon kay DAR Assistant Secretary John Lana, ipatatawag nila ang mga empleyado ng DAR-Bataan na magsasagawa ng survey at naglabas ng listahan ng mga benepisyaryo ng lupa.

"Pinase-set ko na mag-meeting dito (sa head office) 'yung mga magko-conduct ng survey," dagdag pa ni Lana.

Napagdesisyunan na rin aniya ang pagbuo ng task force na sisilip sa isyu.

Nitong Miyerkoles, nagkilos-protesta sa DAR head office ang nasa 20 residente ng Barangay Sumalo.

May mga bahagi umano kasi ng higit 200 hectares ng lupa ang ipamamahagi kahit na hindi taga-Sumalo.

"‘Yung agrarian reform beneficiaries lists hindi lahat ng benepisyaryo taga-Sumalo, ako po na pinanganak sa Sumalo wala doon. 'Yung ilang nandoon hindi namin kakilala at hindi taga-Sumalo," ani Alona Apable, chairperson ng Kababaihang Bisig ng Kaunlaran ng Sumalo.

Sa opisyal na pahayag ng samahang KABISIGKA-Sumalo, sinabing maging ang kapitan ng barangay na si Rolando Martinez ay nakakuha ng maraming bahagi sa ipamamahaging lupa ng DAR.

Agad naman itong pinabulaanan ni Martinez at sinabing wala siyang ibinebentang lupa.

"Wala po akong ibinebentang lupa dahil wala po akong lupa. Patunayan n'yo na kinamkam ko ang lupa, ang lupa ay kinober ng CARP at DAR para ipamahagi sa mga potential CARP Beneficiaries, ito ay paninira at walang katotohanan," sabi ni Martinez.

Tiniyak naman ng DAR na sisiyasatin nila ang mga alegasyon ng pagbebenta ng lupa na ipinamahagi sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program.

Nakatakda ring isapubliko ng tanggapan sa susunod na linggo ang listahan ng mga benepisyaryo para matuldukan ang usapin ng "transparency."

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.