Turismo sa Lian, Batangas tigil muna sa paglabag ng protocols sa Matabungkay Beach

ABS-CBN News

Posted at Jun 09 2021 05:47 PM

Tigil muna ang pagtanggap ng mga turista sa Lian, Batangas matapos makuhanan ng video ang pagdagsa ng mga maliligo sa Matabungkay Beach na lumabag sa ipinatutupad na health protocols laban sa COVID-19. 

 "Tigil po, tigil po, hangga't hindi po nag MGCQ ang aming bayan. Kahit local tourist hindi po pupuwede," ani Lian Mayor Joseph Peji. 

Halos dalawang linggo pa lamang nagbubukas ang turismo sa bayan at 30 porsiyentong kapasidad lang ang pinapayagan. 

Paliwanag ni Peji, nagulat sila sa pagdagsa ng mga tao sa beach. 

Hindi rin umano naka-book sa mga resort ang mga dumagsa at nakapasok dahil maraming entry points sa kanilang bayan. 

"Kahit ano pagbabantay namin may mga nakakalusot, may nanggagaling sa dagat sakay ng bangka, inaksyunan agad din namin para mapauwi ang mga tao, mayroon din po nahuli na walang face mask," ani Peji. 

Pinag-aaralan ng lokal na pamahalaan kung may dapat managot sa pangyayari. 

Malaking dagok din sa kabuhayan ng mga taga-Matabungkay ang pagsasara dahil sa mga lumabag sa ipinatutupad na health protocols. 

Ayon kay Peji, aabot sa P12 milyon ang kinikita nila tuwing tag-init. 

Pinag-iisipan naman ng LGU kung paano matutulungan ang mga apektado ng muling pagsasara ng turismo. 

"Dahil GCQ hindi naman kami pwede basta maglabas ng pondo para itulong sa mga tao, napakahirap ng aming bayan, third class municipality lang kami," ani Peji. 

Naghigpit na rin ng checkpoint papasok sa Lian lalo na sa Matabungkay para wala nang makapasok na mga turista. 

— Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

KAUGNAY NA VIDEO: 

Watch more in iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.