Ilang lugar sa S. Leyte naghigpit sa quarantine status dahil sa COVID-19

ABS-CBN News

Posted at Jun 09 2021 12:04 PM | Updated as of Jun 09 2021 03:46 PM

Naghigpit ng quarantine status sa ilang lugar sa Southern Leyte simula Martes dahil sa pagtaas ng mga kaso ng COVID-19.

Base sa resolusyon na inilabas ng regional Inter-Agency Task Force, inilagay sa modified enhanced community quarantine (MECQ) ang bayan ng Pintuyan.

Ang MECQ ang ikalawang pinakamahigpit sa 4-level quarantine status ng gobyerno, sunod sa enhanced community quarantine.

Ipinatupad naman ang general community quarantine sa Maasin City at mga bayan ng Liloan at Hinunangan.

Mananatili naman sa pinakamababang status na modified general community quarantine ang ibang lugar sa probinsiya.

Epektibo ang mga bagong quarantine status hanggang katapusan ng buwan.

Sa tala noong Martes, umabot na sa 1,524 ang kabuuang bilang ng COVID-19 cases sa Southern Leyte, kung saan 213 ang active cases o hindi pa gumagaling sa sakit.

Nauna nang nagbabala ang Department of Health at iba pang mga eksperto ukol sa pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa mga probinsiya kamakailan.

- Ulat ni Jenette Ruedas

RELATED VIDEO

Watch more in iWantTFC