Mga pulis at mga rebelde nagkaengkuwentro sa Cagayan

ABS-CBN News

Posted at Jun 09 2021 06:02 AM

Sumiklab ang bakbakan sa pagitan ng mga pulis at hinihinalang miyembro ng New People’s Army sa bayan ng Gattaran, Cagayan noong Lunes. 

Ayon sa Gattaran Police, papunta sa Sitio Sicalao ng Barangay Mabuno ang mga pulis na miyembro ng 2nd Provincial Mobile Force Company para ipagpatuloy ang konstruksyon ng isang bahay sa ilalim ng PNP Libre Project Pabahay.

Pero nang makatawid sa ilog ang mga pulis ay bigla na lang silang pinaputukan ng mga rebelde na nakapwesto sa hindi kalayuan. 

Gumanti naman ang mga pulis hanggang dumating na rin ang mga sumaklolong sundalo mula Alpha Company ng 77th Infantry Battalion. 

Tumagal umano ng 5 minuto ang palitan ng putok hanggang sa tuluyang umatras ang mga rebelde patungo sa hilagang direksyon. 

Wala naman naitalang nasugatan o nasawi sa tropa ng pamahalaan gayundin sa mga residente. 

Narekober sa pinangyarihan ng engkwentro ang 18 na basyo ng bala ng kalibre 5.56 mm riffle na ginamit ng mga rebelde. 

Nakakuha rin ng ilang pares ng tsinelas at ilang gamit pangluto na maaaring palatandaan na nag-aabang ang mga rebelde. — Ulat ni Harris Julio

KAUGNAY NA VIDEO
 

Watch more in iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.