PatrolPH

Mga pamilyang nasunugan sa Muntinlupa dinalhan ng pagkain

ABS-CBN News

Posted at Jun 09 2021 08:35 PM

Mga pamilyang nasunugan sa Muntinlupa dinalhan ng pagkain 1
Dinalhan ng pagkain ng ABS-CBN News ang mga pamilyang nawalan ng mga tirahan kamakailan sa sunog sa Barangay Cupang, Muntinlupa City.

Sa modular tent ng isang basketball court inabutan ng panganganak si Maricho Magistrado, isa sa mga nasunugan sa Barangay Cupang, Muntinlupa City kamakailan.

Matindi ang init sa evacuation center kaya pilit gumagawa ni Magistrado ng paraan para mapreskuhan ang kaniyang sanggol.

"Hindi ko na po kinaya na isugod sa ospital kasi lalabas na 'yong baby," kuwento ni Magistrado.

Natupok din ang bahay ni Jennilyn Venus, na namomroblema ngayon kung paano muling magkakaroon ng tirahan.

Hindi naman makapagtrabho ang kaniyang mister na senior citizen dahil sa COVID-19 pandemic.

"Ang pinagkakakitaan lang namin basahan. Sa ngayon hindi kami makagawa dahil andito kami, hindi kami makapaghanapbuhay," ani Venus.

Watch more on iWantTFC

Sa kalapit na eskinita naman nagtitiis si Analisa Vargas na sumisilong sa natirang pader at kapirasong bubong ng kanilang nasunog na bahay.

"Noong nagsabi na may evacuation, naubusan na kami ng tent, marami nang nagpunta doon... Kaya dito na lang kami nagkubo-kubo pansamantala," ani Vargas.

Kahit papaano'y may mapagsasaluhan ang mga pamilyang nasunugan sa Barangay Cupang sa lutong pagkaing dala ng ABS-CBN.

Patuloy pa ring nananawagan ang mga pamilya ng tulong para sa pagbuo muli ng kanilang mga tirahan.

-- Ulat ni Bernadette Sembrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.