Mag-asawang senior citizen, patay sa pananaksak sa Northern Samar

ABS-CBN News

Posted at Jun 09 2021 06:02 PM

Patay ang mag-asawang senior citizen matapos pagsasaksakin ng hindi pa nakikilalang salarin sa loob ng kanilang bahay sa Barangay Bobolosan, Laoang, Northern Samar, Miyerkoles ng madaling araw.

Ayon sa impormasyon mula sa Northern Samar Police Provincial Office, nakilala ang mag-asawang biktima na sina Basilesa, 80-anyos at Franko Esparas, 89.

Ginagamot naman sa isang ospital ang 18-anyos na apo ng mag-asawa na kasama nila sa bahay.

Sa inisyal na imbestigasyon, pinasok ng salarin ang bahay ng mag-asawa at pinagsasaksak silang tatlong biktima.

Nakahingi pa ng tulong ang apo ng mag-asawa sa kanilang anak na nakatira malapit sa kanilang bahay.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng Laoang Police para matukoy ang motibo ng krimen at mahuli ang salarin.

- Ulat ni Ranulfo Docdocan

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.