PatrolPH

Binatilyong 3 taon nang nagbebenta ng mga hubad na larawan online, sinagip

ABS-CBN News

Posted at Jun 09 2021 07:20 PM | Updated as of Jun 09 2021 10:39 PM

Watch more on iWantTFC

(UPDATE) Sinagip ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang 15 anyos na lalaki sa isang bayan sa Laguna matapos matuklasang nagbebenta siya ng sarili niyang mga hubad na retrato online.

Ayon sa NBI, 3 taon nang ibinebenta ni alyas "Dale" ang mga maselang retrato online at minsan na rin itong hinalay ng isang British national.

Pero ayon sa lola at ina ng biktima, wala silang alam sa ginagawa ni "Dale."

Ililipat umano sa kustodiya ng Department of Social Welfare and Development si "Dale," na sasailalim sa programa para matutukan ang pinagdaanang trauma.

Maaari naman bisitahin si "Dale" ng kaniyang mga kamag-anak pero makakabalik lang daw siya sa kustodiya ng pamilya kapag natapos ang programa at sa pagpapasya ng social worker.

Ayon kay Janet Francisco, head ng NBI Anti-Human Trafficking Division, 7 kabataan sa lugar ang natukoy na biktima ng online exploitation, kung saan 3 ang na-rescue na at ang iba'y pinaghahanap pa.

Dumami umano ngayong panahon ng pandemya ang namo-monitor ng NBI na mga kaso ng pang-aabuso.

Ayon kay Lorelyn Sagales, social worker sa Laguna, ilan sa mga kaso ng online exploitation ay bunga ng pagkukunsinte ng sariling mga kaanak ng biktima.

-- Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

FROM THE ARCHIVES

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.