MAYNILA - Patok sa karamihan ang Lyka - isang social media application na gumagamit ng gems o gift card sa pamamagitan ng electronic mode.
Parang cash ito na maaaring i-share sa mga kaibigan o ipambili ng pagkain, serbisyo, at iba pang produkto sa accredited merchants.
Piso ang katumbas ng isang gem, at nakakaipon ang users ng gems mula sa mga regalo, laro, at iba pang gawain sa app.
Ang grupo nina Elmer Cairo, nasa 5 milyong gems ang inilagak sa affiliated online game na Lyka sa pag-asang may magandang balik ito.
Maganda ang naging alok ng naturang online game, kung saan sinasabing kikita ang tumaya ng hanggang 50 porsiyento ng inilagak na gems sa loob lamang ng isang linggo.
Ang sistema - "pasabay" o ipalalaro ang gems pero manalo, matalo ay may balik umanong premyo. Pero nawala na ang nakausap ng grupo nina Cairo at nalimas umano ang gems.
"Once na naglaro ka, malaking bagay kasi puwede nang kumita ng malaki iyon. So, ‘yun ang ginawa nilang advantage. Ginamit nila si Jab Play doon sa modus nila. Maglalaro ka doon using gems din tapos you can earn at least 1 million in just 10 days,” ani Cairo.
Sa ngayon ay nakikipag-ugnayan na si Elmer kasama ng iba pa sa National Bureau of Investigation para mahanap ang tumangay ng kanilang gems.
Nasa 1,000 ang miyembro ng grupo sa Lyka na “Barangay Exclusive.”
"'Yung nawala sa grupo na pera, unang una, pangtutulong sana namin sa mga taong nangangailangan. ’Yung iba kasi gusto nila ipampa-dialysis sa mga magulang nila, pang-enroll, pangdagdag puhunan sa negosyo," ani Cairo.
Ayon sa NBI, kritikal ang partisipasyon ng Lyka para malaman ang pagkakakakilanlan ng umano’y tumangay ng gems.
Pero hindi umano ganoon kadaling kumuha ng pribadong impormasyon.
“Definitely sir, iyong transaction records niyan, nandoon sa Lyka facility, so traceable iyon. Kaya lang, ang in-anticipate namin, baka may data privacy issue na i-invoke sila ‘pagka pinakialaman nila iyong mga wallet ng individual users,” ani NBI Cybercrime Division chief Victor Lorenzo.
Paalala rin ng NBI na kailangang maging mapanuri bago maglagak ng pera lalo kung masyadong maganda ang pangakong balik nito.
"When it is too good to be true, it is not true po. Kasi papaano mo maga-guarantee iyong yield sir, eh game of chance nga iyong sasalihan mo. At the same time, paano mo mapre-predict iyong yield," ani Lorenzo.
Nilinaw din ng NBI na wala sa aplikasyon ang problema kundi may pumapasok talaga sa app para makapanloko.
Sa isang pahayag sinabi ng Lyka na bilang isang libreng social media platfrom na dinisenyo para magbigay ng regalo at gamitin ang contactless transaction ay di makokontrol na may mga taong umaabuso sa sistema.
Tanging magagawa lang anila ay magbigay ng payo para makaiwas sa panloloko.
"In a community, we cannot control the presence of bad elements. We can only give advice to promote awareness and in order to prevent our users from becoming victims of such fraud," anila.
— Ulat ni Michael Delizo, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog News, TV Patrol, scam, Lyka Gem, Lyka app, application, scam, cybercrime, scams