9 na mga bahay napinsala sa pagguho ng lupa sa Isabela

ABS-CBN News

Posted at Jun 09 2021 05:22 PM

Isa ang bahay na ito sa siyam na mga bahay na napinsala ng pagguho ng lupa sa Benito Soliven sa Isabela, Hunyo 9, 2021. Larawan mula kay Barangay Yeban Norte Chairman Bonifacio Viernes

Siyam na mga bahay ang napinsala sa naganap na pagguho ng lupa sa Sitio Barikir sa Barangay Yeban Norte sa Benito Soliven, Isabela, Miyerkoles ng madaling araw.

Ayon sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, wala namang nasaktan sa mga residente.

Apektado ang abot sa 9 na pamilya o 31 indibidwal na ngayon ay namamalagi muna sa evacuation center.
 
Puspusan din ang isinasagawang clearing operation ng lokal na pamahalaan para matulungan ang mga residente na maisalba ang kanilang mga ari-arian na natabunan ng lupa. 

Hindi naman daw umulan bago ang insidente kung kaya inaalam pa ang dahilan ng pagguho. Pero kabilang ang lugar sa mga itinuturing na landslide prone area. 

- Ulat ni Harris Julio

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.