'Vulnerable' na Asian box turtle isinauli ng mga bata sa mga awtoridad

ABS-CBN News

Posted at Jun 09 2020 02:34 PM

Isinauli ng isang grupo ng mga bata ang isang Asian box turtle, isang vulnerable specie, sa Palawan Council For Sustainable Development Staff (PCSDS). Retrato mula sa PCSDS

Isinauli sa mga awtoridad noong Lunes ng isang grupo ng mga bata mula Puerto Princesa, Palawan ang isang Asian box turtle, na itinuturing bilang vulnerable species dahil sa pagkaunti ng kanilang uri.

Ayon sa Palawan Council For Sustainable Development Staff (PCSDS), nakatanggap sila ng Facebook message mula sa mga batang taga-Barangay San Jose ukol sa natagpuang Asian box turtle.

"Kami ay nagagalak talaga dahil nga at the young age mayroon na silang ganoong initiative na ipagbigay alam yung mga ganiyang klaseng insidente," ani PCSDS spokesperson Jovic Fabello.

Madalas na natatagpuan ang naturang hayop sa mga swamp area, ilog, at kuweba. Minsa'y makikita rin ito sa mga gubat.

Itinuturing ng International Union for Conservation of Nature na vulnerable species ang Asian box turtle.

"Hindi pa naman ganoon kadelikado ngunit malapit na rin," ani Fabello.

Sa ngayon, nasa pangangalaga ng PCSDS ang Asian box turtle at dadalhin sa Palawan Wildlife Rescue And Conservation Center para masuri ang kalagayan nito.

Kapag nakapagpahinga na umano ang pagong ay ibabalik ito sa kaniyang natural habitat.

-- Ulat ni Arlie Cabrestante, ABS-CBN news

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.