PatrolPH

Pamamahagi ng 2nd tranche ng SAP sisimulan na ngayong linggo: DSWD

ABS-CBN News

Posted at Jun 09 2020 06:11 PM

MAYNILA - Ngayong linggo na aarangkada ang pamamahagi ng tulong pinansyal kabilang sa second tranche ng social amelioration program, ayon sa Department of Social Welfare and Development nitong Martes.

Sa virtual press briefing, sinabi ni DSWD Usec. Rene Glen Paje na sa pamamahagi ng second tranche ng SAP, prayoridad ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program na dumaan na sa validation process, at ang mga benepisyaryong nasa waitlist na hindi pa nakatatanggap ng cash aid mula sa first tranche.

Ayon kay Paje, natagalan ang pamamahagi ng second tranche dahil kailangan tapusin ang validation process.

Mahalaga aniya ang prosesong ito para hindi na maulit ang naging problema sa first tranche ng SAP.

Batay sa tala ng DSWD, ₱99.8 billion na pondo na ang naipamahagi sa 17.6 million beneficiaries sa unang tranche.

Nasa 1,542 na local goverment units na ang nakapagkamit ng 100 percent completion rate sa pamamahagi ng first tranche ng SAP.

Aabot naman sa 1,104 na LGUs ang nagsumite na ng kumpletong liquidation report.

Inilunsad ng pamahalaan ang SAP para sa mga apektado ng ipinatupad na quarantine measures laban sa pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Nitong Martes, umabot na sa 22,992 ang kabuuang bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa, kung saan 1,017 ang namatay habang 4,736 naman ang gumaling.

--Ulat ni Raya Capulong, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.