Pagpapatuli ligtas sa panahon ng COVID-19? Alamin ang payo ng eksperto

ABS-CBN News

Posted at Jun 09 2020 10:38 AM | Updated as of Jun 09 2020 10:52 AM

Watch more on iWantTFC

MANILA — Hinimok ng isang health expert ang publiko ngayong Martes na ipagpaliban ang mga "elective procedure" tulad ng pagpapatuli na kadalasang ginagawa sa tuwing tag-init, bilang dagdag pag-iingat laban sa coronavirus pandemic. 

"Huwag na muna po siguro. Kung mapagpapaliban iyong mga tinatawag na 'elective procedures,' hintayin na po muna natin," ani Dr. Edsel Salvana, clinical associate professor sa Philippine General Hospital. 

"Baka may bakuna na by next year, hindi na natin kailangan intindihin ang COVID," sabi niya sa panayam ng TeleRadyo. 

Ibinahagi rin ni Salvana na limitado sa ngayon ang bilang ng mga pasyenteng tinatanggap ng karamihan sa mga doktor dahil nais ng mga ospital na maiwasan ang pagtitipon ng mga tao. 

Maaari naman aniya kumonsulta sa mga doktor sa pamamagitan ng internet o telemedicine. Maaari rin aniyang makipag-ugnayan sa health department o mga barangay official sakaling kailangang madala sa ospital. 

Tinalakay rin niya kung ligtas ang pag-spray ng mga disinfectant para makaiwas sa COVID-19. 

"Iyong pagmi-mist sa awto, hindi naman nakakasama. Ang delikado, kung imini-mist natin iyong mga tao mismo at nalalanghap nila iyong mga toxic chemicals," sabi ni Salvana, na isang director sa University of the Philippines Manila-Institute of Molecular Biology. 

"Sa ngayon kasi, ang WHO (World Health Organization) at DOH (Department of Health), hindi nila nire-recommend itong mga misting tent dahil baka makasama lalo 'pag na-inhale mo iyong mga toxic chemicals," dagdag niya. 

Hinikayat din niya ang publiko na manatiling maingat sa pagluluwag ng coronavirus lockdown sa maraming bahagi ng bansa. 

"Andyan pa rin po ang virus, hindi pa rin po nawawala," ani Salavana. 
 
"Alam nating gumagana ang physical distancing, ang paggamit ng masks at kung may sakit po kayo, 'wag na po kayong pumasok at makipag-ugnayan po sa DOH, sa inyong doktor kung may nararamdaman po para sa mas maaga nating ma-treat," sabi niya.