PatrolPH

P6.8-M halaga ng 'shabu' nasamsam, 4 timbog sa QC drug bust

ABS-CBN News

Posted at Jun 09 2020 01:12 PM

MAYNILA — Aabot sa P6.8 milyon halaga ng hinihinalang shabu ang nakuha sa 4 suspek na naaresto sa buy-bust operation sa Quezon City noong Lunes, ayon sa pulisya.

May edad 19 hanggang 32 ang mga suspek, na mga residente ng Caloocan at Quezon City, ayon kay Quezon City Police District (QCPD) director Brig. Gen. Ronnie Montejo.

Hinuli ang mga suspek matapos nilang bentahan ng P300,000 halaga ng hinihinalang shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer sa may Barangay Pasong Putik bandang alas-5 ng hapon, sabi sa ulat ng QCPD.

Nakuha umano sa mga suspek ang isang kilo ng shabu na may halagang P6.8 milyon, 2 cell phone, at isang Honda Civic.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.