Nanay na namatayan ng anak at nakanselahan ng flight pa-Ozamiz, tinulungang makauwi

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Jun 09 2020 08:18 AM | Updated as of Jun 09 2020 06:31 PM

Laking pasasalamat ng inang taga-Ozamiz City na si Metchell Tura sa tulong na natanggap niya matapos ang kanyang panawagan sa media na makauwi sa probinsya.

Sa waiting area ng Ninoy Aquino International Airport Terminal 2 na siya nagpalipas ng gabi kasama ng tatay niya matapos malaman doon na kanselado ang kanilang Philippine Airlines flight papuntang Ozamiz kahapon.

Ngayong umaga ng Martes, kasama silang dalawa sa mga sumakay ng commercial flight papuntang Cagayan De Oro.

Ayon kay Tura, sinagot ang pamasahe ng lokal na pamahalaan ng Ozamiz, na ipasusundo sila sa airport.

Watch more in iWant or TFC.tv

Dala-dala ni Tura sa biyahe ang abo ng namatay niyang sanggol na si Francine.

Pumanaw ang sanggol noong Abril nang mabigo ang operation para sa kondisyon nito sa puso.

Pangalawang beses na niyang mamatayan ng anak, ang una noong 2017 ilang araw lang pagkapanganak.

Kuwento ni Tura, kasunod ng paglabas ng panawagan niya sa platforms ng ABS-CBN News, tinawagan siya ng tanggapan nina Ozamiz Mayor Sancho Fernando "Ando" Oaminal at Misamis Occidental Governor Philip Tan para magpaabot ng tulong.

May nakipag-ugnayan din sa kanya na tauhan ng PNP Aviation group.

"Inasikaso 'yung papel na ma-reroute kami, tapos sinagot naman ng Ozamiz City na kami po'y mapadali ang paglipad namin kinabukasan via Cagayan po," sabi niya.

"Nang dahil po sa inyo, natugunan po 'yung hiling ko na marinig sa amin na tulungan at naawa naman ang mayor namin, saka sa tulong ng aviation ng pulis."

Pag-uwi sa Ozamiz, uunahin ni Tura ang pagpapalibing kay baby Francine.

"Ang plano ko po ay gusto ko munang ma-ano ang baby ko na kung saan ko siya ilalagay po, at ma-focus ko muna sarili ko kasi siyempre ngayon depressed talaga ako sa nangyayari po, simula noong maalis siya," sabi niya.

Sa ngayon wala pang naka-schedule na commercial flights papuntang Ozamiz City pero sinabi ng lokal na pamahalaan na nakapagpauwi na sila ng 230 locally stranded individuals at returning overseas Filipinos.

Sa pahayag sinabi rin ng LGU na hindi nila ipinagbawal ang pagpapatuloy ng mga flight mula at papuntang Ozamiz Airport.

Sabi ng PAL patuloy silang nakikipag-ugnayan sa mga pamahalaan sa ibang mga lugar para sa panunumbalik ng commercial flights doon.

Muling nagpaalala ang airline sa mga bibiyahe na alamin lagi ang status ng kanilang flight sa pamamagitan ng website, hotline at social media accounts ng PAL bago tumuloy ng airport.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.