PatrolPH

Mga nakalayang tsuper, nagpasalamat sa suportang natanggap

Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Posted at Jun 09 2020 11:39 PM

MAYNILA - Napalaya na ang dalawa pang miyembro ng tinaguriang "PISTON 6", kabilang ang 72 taong gulang na si Elmer Cordero at kasamahan na si Wilson Ramilla pasado alas-6:30 Martes ng gabi.

Ito ay matapos makapaghain ng P10,000 piyansa si Cordero at magpalabas ng release order si Judge Gloria Santos Jr. ng Caloocan City Metropolitan Trial Court Branch 51.

Provisionally dismissed naman ang isa sa mga kasong carnapping na kinakaharap ni Ramilla.

Sa press conference na isinagawa sa Quezon City, nagpasalamat si Cordero at Ramilla sa mga nagpahatid ng suporta, una na ang ilang mga opisyal ng pamahalaan, mga pribadong indibidwal, kabilang ang ilang mga artista.

Ayon sa abogado ng grupo na si Atty. VJ Topacio, ngayong laya na ang lahat ng miyembro ng PISTON 6, handa na nilang harapin ang kaso sa korte at nagpasalamat din sa natanggap na suporta mula sa iba't ibang sektor.

Ang grupong PISTON naman, muling nanawagan sa pamahalaan na payagan nang pumasada ang mga jeepney. Iginiit din nila ang pagbasura sa planong jeepney phaseout.

Hunyo 2 nang arestuhin ang anim na miyembro ng grupo matapos umanong lumabag sa ipinapatupad na physical distancing sa isinagawang protesta sa Monumento, Caloocan City.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.