Lalaki patay sa Sagay City matapos barilin dahil umano sa away sa lupa

Mark Salanga, ABS-CBN News

Posted at Jun 09 2020 08:26 PM

SAGAY CITY, Negros Occidental - Patay ang isang lalaki sa Sagay City, Negros Occidental matapos barilin ng kaniyang kapitbahay nitong Lunes.

Sa imbestigasyon ng pulis, away sa lupa ang tinitingnang motibo sa pamamaril.

Ayon kay Police Major Albert Sy, officer-in-charge ng Sagay City PNP, pasado alas-12 ng tanghali nang lumapit ang biktima na si Rowen Quizon sa suspek at nagtanong ito kung saang bahagi sa lupa ng suspek puwede itong makapagtanim.

Sabi ni Sy, base sa mga pahayag ng nakakita, imbes na sagutin ang tanong ng biktima, binunot ng suspek ang armas nito at binaril sa baywang ang bikitma.

Dinala sa ospital si Quizon pero idineklara itong dead on arrival.

Sumuko naman ang suspek sa police at kasalukuyang naka-detain sa Sagay City Police.

Haharap ang suspek sa kasong murder, ayon sa pulisya.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.