Ilang puwesto sa Dangwa nagsara muna dahil sa tumal ng benta

Ina Reformina, ABS-CBN News

Posted at Jun 09 2020 05:14 PM | Updated as of Jun 09 2020 07:00 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA —Dating masigla ang lansangan ng Dangwa sa Maynila at halos walang pinipiling oras ang buhos ng mga taong nais bumili ng bulaklak doon. 

Pero sa ngayon, sa gitna ng pandemyang COVID-19, sobrang tumal ang benta ng mga bulaklak.

Kung dati, magagandang rosas mula Baguio ang ibinabalandra sa puwesto ni Rhea Cabal, ngayon ay lugaw, lumpia, tokwa at spaghetti na muna ang kaniyang itinitinda. 

"Ngayon kumikita lang ako P1,500, minsan pag matumal P1,000. Tama lang pakain sa mga anak ko kasi may baby pa ako, naggagatas pa ako, nagda-diaper," ani Cabal. 

Dati, aabot daw sa P50,000 ang arawang kita ni Cabal.

Ngayon, hininto niya muna ang pagbebenta ng bulaklak dahil kasabay ng pagkalanta ng mga hindi nabenbentang bulaklak ay ang nasaid na niyang puhunan.

Itinigil din muna nina Strawberry Juachon at Renato dela Cruz ang pagkuha ng bulaklak mula Laguna.

Nung mag-general community quarantine, sinubukan nilang muling magbenta pero lugi lang din ang inabot nila.

Bukod sa maliit na sari-sari store, pagbebenta ng kwek-kwek, snowball, tokwa at lumpia muna ang pinagkakakitaan nila.

Sampung libo ang kinikita nila sa isang araw dati pero ngayon, nasa P1,000 na lang. 

"Sinubukan po namin na magbenta ulit ng bulaklak sa Laguna, kaya lang po natatapon lang siya, more than half natatapon lang so tinigil na rin po namin ulit kasi imbes na kumita mas lalong nalulugi... Kaya ngayon po kahit papano mga pagkain nagtitinda kami at least pangkain lang din po," ani Juachon. 

Nagpapatuloy naman sa pagbebenta ng bulaklak si Jonathan Hilario pero ang mga dating suki, tigil din muna sa pag-order sa kanila. 

"Matumal po, kakaunti ang mga kostumer... Halos po kalahati ng pinapadalhan namin hindi na po sila nakaka-order gawa po ng deliver, wala pong mapagsakyan," ani Hilario. 

Ayon sa mga tindero’t tindera, nasa 70 hanggang 80 porsiyento ang ibinaba ng bilang ng mga kostumer nila sa panahon ng pandemya.

Pero bawal anila ang sumuko sa buhay. Umaasa silang bukas makalawa, magbabalik din ang sigla sa Dangwa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.