Facebook dapat magpaliwanag sa nagsulputang impostor na accounts: eksperto

ABS-CBN News

Posted at Jun 09 2020 05:27 PM

MAYNILA —Dapat magpaliwanag ang social media giant na Facebook sa pagkalat ng duplicate accounts ng ilang Pinoy sa gitna ng maraming protesta ukol sa kontrobersiyal na Anti-Terrorism Bill, ayon sa isang communications expert nitong Martes. 

Ayon kay Jonathan Ong, associate professor of communication sa University of Massachusetts Amherst, taong 2016 nauso ang panggagaya ng mga trolls sa social media accounts kaya kataka-taka umano nang magsulputan ang mga ito noong weekend. 

Sabi ni Ong, posibleng gustong "ipagmayabang" ng pasimuno ng panggagaya na nasa kamay niya ang ilang mahahalagang datos ng maraming Pinoy. 

"That to me is the puzzle around this, why was this done. Was it someone flexing what I can do at a massive scale pero hindi pa ito ang endgame niya. It might be around control about people’s data, that’s what’s more concerning for me," aniya. 

Giit ni Ong, dapat hingan ng paliwanag ang Facebook dahil nakababahala ang nangyari. 

"Rather than being around a political narrative, could this be someone showing I actually have access to people's data and information and that’s what we should demand investigators and platforms like Facebook to tell us if there’s any kind of compromise around our data," aniya. 

Hinala ni Ong, posibleng nakompromiso ang datos ng mga taong pumirma sa online petitions na naglipana para kondenahin ang pagpasa ng Anti-Terror Bill. 

"It could be other datasets. We’re still unsure. We need to demand answer from Facebook and investigators," ani Ong. 

Nauna nang sinabi ng National Bureau of Investigation (NBI) na posibleng glitch ang nangyari kung bakit nagkaroon ng mga impostor na account. 

CHR DAPAT MAG-IMBESTIGA NA 

Samantala, nanawagan ang human rights watchdog na Karapatan na manghimasok na ang Commission on Human Rights (CHR) para imbestigahan ang nangyari sa Facebook.

"These blank accounts are not mere glitches, as some have hastily claimed. We are raising alarm that the creation of these accounts poses serious digital security threats, with dangerous implications on people’s rights, lives, and safety, and we strongly urge the CHR and Facebook to investigate and address them," ani Karapatan secretary general Cristina Palabay.

Sabi ni Palabay, hindi maituturing na glitch ang nagyari lalo't ang ibang impostor na account ay nagbanta pa sa kanilang mga pinagkopyahan.

"Glitches do not send messages filled with death and rape threats, vilification, and red-tagging — and many of those who received them have voiced their opposition online on the passage of the Anti-Terrorism Bill," ani Palabay.

Sabi pa ni Palabay, dapat labanan ng Facebook ang nangyayaring "weaponization" ng naturang social media site. 

"Facebook must act against the further weaponization of their platform for State terrorism and violence."

 SENADO

Pinaiimbestigahan na rin sa Senado ang pagkalat ng mga pekeng Facebook accounts.

Sa inihaing Senate Resolution 444 ni Sen. Kiko Pangilinan, sinabi rito na target ng imbestigasyon na matukoy kung kailangan nang amyendahan ang Cybercrime Prevention Act.

Layon din ng imbestigasyon na mailatag ang posibleng regulasyon sa social media platforms.

Dapat din aniyang matukoy kung may kinalaman ang pagkontra sa Anti-Terrorism Bill sa pagkalat ng impostor accounts. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.