PatrolPH

Cash aid, gadgets: Ilang local government may ayuda sa mga estudyante

ABS-CBN News

Posted at Jun 09 2020 01:00 PM

MAYNILA — Ilang lokal na pamahalaan ang nagbigay at nakatakdang magbigay ng tulong sa mga estudyante sa kanilang mga nasasakupang lungsod bilang paghahanda sa "new normal" sa edukasyon bunsod ng coronavirus pandemic.

Sa Quezon City, daan-libong estudyante sa junior at senior high school ang bibigyan ng gadgets para sa darating na pasukan.

Tinatayang higit 155,000 junior high school student at higit 19,000 senior high school student sa mga pampublikong paaralan sa lungsod ang makatatanggap ng mga tablet, ayon sa Quezon City government.

Mamamahagi rin sa kindergarten at grade school students ng flash drivers na may modules at learning packets.

Balak din umanong palakasin ang internet connectivity sa mga paaralan.

Sa Navotas, namigay ang local government ng P5,000 education assistance para sa mga estudyante ng lungsod.

Nasa 1,100 estudyante ang target na benepisyaryo ng nasabing pinansiyal na tulong, ayon sa Navotas city government.

Samantala, inanunsiyo naman ni Vice President Leni Robredo na magsasagawa siya ng donation drive para sa mga estudyanteng mangangailangan ng gadget sa pasukan, na magsisimula sa Agosto 24.

Sa isang Facebook post, sinabi ng Office of the Vice President na tumatanggap na sila ng mga smartphone, tablet computer, laptop, at desktop computer para sa mga estudyante.

"Inaanyayahan namin kayo na tipunin ang mga ito para sa inisiyatibong ating ilulunsad, sa paglalayong makatulong sa napipintong pagpapatupad ng distance learning sa gitna ng COVID-19 crisis," ani Robredo.

Ipinagbabawal ang pagsasagawa ng klase sa mga classroom ng paaralan para maiwasang malantad ang mga estudyante, guro at school personnel sa coronavirus disease.

Dahil dito, magpapatupad ang mga paaralan ng mga alternatibo sa face-to-face learning, tulad ng paggamit ng mga online platform, printed module, radyo, at telebisyon.

-- Ulat nina Raya Capulong at Adrian Ayalin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.