Truck nawalan ng preno sa CamSur; 13 patay, 41 sugatan

Rizza Mostar, ABS-CBN News

Posted at Jun 09 2019 02:11 PM | Updated as of Jun 09 2019 07:50 PM

Bumabaybay ang trak sa palusong na kalsadanang mawalan ito ng preno at gumulong na lang pababa sa kalsada. Rizza Mostar, ABS-CBN News

CAMARINES SUR - Aabot sa 13 ang namatay habang 41 naman ang sugatan nang mawalan ng preno ang isang 6 wheeler truck sa Barangay Tagpocol sa probinsiyang ito, Sabado ng gabi. 

Ayon kay Police Chief Master Sgt. Victor Quinao, na imbestigator ng San Fernando PNP, galing sa isang pamanhikan ang mga lulan ng trak. 

Napadaan sila sa palusong na kalsada nang mawalan ng preno at gumulong na lang pababa sa kalsada ang trak. 

[PL

Watch more in iWant or TFC.tv

Lulan ng trak ang lahat ng biktima, at ilan sa kanila ay tumilapon sa iba't ibang direksyon.

"Lahat palusong, walang bangin actually kaya hindi siya nahulog sa bangin nandun pa rin siya sa gitna ng kalsada nang umikot siya. Kung may upuan, masasabi mong overload, kaya lang nakatayo lahat sila, puno lang talaga," ani Quinao. 

Lima sa mga naaksidente ang agad namatay matapos maipit sa trak. Walo sa mga namatay ay isinugod pa sa ospital pero kinalauna'y binawian ng buhay. 

Kuwento ng isa sa mga naaksidente na si Jomari Ercia, siksikan sila sa trak. 

Kasama sa namatay ang 16 anyos na si Bea Lucilo, na siyang namamanhikan. Naiwan sa pamanhikan ang kaniyang 19 anyos na kasintahan. 

Pinakabata sa namatay ang isang 4 anyos na bata. Lubos na nagdalamhati ang kaniyang ina na si Grecilda Serrano. 

"Nanghihinayang lang ako sa buhay ng anak ko. Bata pa siya, napakabait, napakabibo."

Anim pa ang naiwan sa ospital kabilang ang drayber ng trak na si Mario Jacobo. 

Nahaharap si Jacobo sa kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide and damage to properties. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.