Senator-elect Bong Go, binisita si Eddie Garcia sa ospital

Bianca Dava, ABS-CBN News

Posted at Jun 09 2019 11:20 PM

MAYNILA -- Isa si Senator-elect Christopher "Bong" Go sa mga personalidad na bumisita sa beteranong aktor na si Eddie Garcia sa ospital.

Pasado 8:30 Linggo ng gabi nang dumating si Go sa Makati Medical Center para bisitahin si Garcia.

“Tatay po siya ng isang matalik kong kaibigan, ni Ricky Romero. Nakakalungkot,” sabi ni Go.

Kasama ni Go sa pagdalaw ang mga aktor na sina Phillip Salvador at Robin Padilla.

Nagtagal ng higit 20 minuto sa Neuro-ICU sina Go, Salvador at Padilla kung saan naka-confine si Garcia.

Nakausap rin nila ang pamilya ng aktor.

“Nandito kami ng dalawa kong kaibigan para gisingin sana si Tito Eddie. Sanay kaming manggisingan sa isa’t isa. Sabi namin subukan naming gisingin si Tito Eddie. Pumasok kami sa ICU. Siguro ipagdasal nalang po natin si Tito Eddie,” sabi ni Go.

Nang tanungin kung kamusta ang lagay ni Garcia, sagot ng incoming senator: “I am not authorized to speak in behalf of the family po.”

Panawagan naman nina Salvador at Padilla sa publiko, suporta at dasal sa mabilis na paggaling ni Garcia.

“Sa lahat po ng fans ni Eddie Garcia, kailangang kailangan niya po kayo ngayon, tayong lahat. Ipagdasal po natin siya na makarecover po. Dasal ang pinakamalakas na panlaban sa anumang sakit,” sabi ni Salvador.

“Ito po siguro ang maitutulong natin sa oras na ito, mga dasal. Huwag na tayong gumawa ng mga haka-haka. Yung ganitong pagkakataon kasi mas maganda na totoong balita ang lumabas,” mensahe naman ni Padilla.