Batang nagdiriwang ng birthday, patay matapos mabagsakan ng sanga

ABS-CBN News

Posted at Jun 09 2019 02:53 PM | Updated as of Jun 09 2019 07:59 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

HIMAMAYLAN, Negros Occidental -- Patay ang isang 6-taong-gulang matapos mabagsakan ng sanga ng puno sa kaniyang paaralan sa lungsod na ito, sa kaniyang mismong kaarawan noong Biyernes. 

Kuwento ng kaniyang mga magulang, cake lang ang hiningi ng biktimang si Fei Francine Limsiaco para ipagdiwang ang kaniyang birthday, pero hindi na ito nakauwi mula sa Talaban Elementary School para mananghalian sa kanilang bahay. 

Nabalitaan na lamang umano ng mga magulang na isinugod ang bata sa ospital matapos mabagsakan ng sanga ng narra habang naglalaro at naghihintay na sunduin. Malubha na umano ang lagay ng batay nang marakating sila sa ospital at agad din itong namatay. 

Nasira naman ang bahagi ng bubong ng isang classroom na natamaan ng sanga. 

Giit ng principal ng paaralan, hindi nila inakalang mahuhuhulog ang sanga kaya itinuturing nilang aksidente ang nangyari. 

Idiniin naman ng lola ng biktima na may pananagutan ang paaralan. Aniya, naiwasan sana ang insidente kung pinaputol na ang sanga bago pa nagsimula ang klase ngayong linggo. 

Ipinaputol na ng barangay ang mahahabang sanga ng iba pang mga puno sa labas ng paaralan para maiwasang maulit ang insidente. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.