Batang babae nailigtas mula sa tangkang pandurukot sa Cagayan de Oro

Joey Yecyec, ABS-CBN News

Posted at Jun 09 2019 06:14 PM

CAGAYAN DE ORO CITY - Nailigtas ng mga pulis ang isang dalawang taong gulang na batang babae matapos tangkaing dukutin ng mag-asawa sa may Vegetable Landing Area, Barangay Bulua sa Cagayan de Oro City Linggo ng umaga.

Naaresto ng mga pulis ang dalawang suspek sa tulong ng mga residente.

Ayon sa ina ng biktima, hindi niya napansin na dinukot ang kaniyang anak nang maging abala siya sa pagtitimpla ng kape para sa isang kostumer.

Mabuti na lamang at may nakakita sa pagdukot sa bata.

Ayon kay "Marlon" na nakakita sa insidente, umiiyak ang bata nang binuhat ng isang babae kaya agad niyang ipinaalam ito sa ina ng bata.

Isasakay na sana ng mag-asawa sa bus ang bata nang madatnan ito ng ina.

Agad nahuli ng mga pulis ang lalaking suspek. Nakatakas ang asawa nitong babae ngunit naaresto rin sa isang follow-up operation.

Tumanggi nang magbigay ng pahayag ang mga suspek.

Ayon kay Police Executive Master Sergeant Armand Hernaez, modus ng mga suspek ang mag-alok ng kendi o pagkain sa mga batang bibiktimahin.

Nakuha rin mula sa mga suspek ang damit ng bata, gatas, diaper, biskwit at pera.

Iimbestigahan pa ng mga pulis kung may iba pang nabiktima ang mag-asawang suspek na haharap sa kasong kidnapping.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.