6 naghihingalong aso nasagip sa hinihinalang katayan sa QC

ABS-CBN News

Posted at Jun 09 2019 07:46 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Na-rescue ng pulisya at ng Animal Kingdom Foundation (AKF) ang 6 naghihingalong aso mula sa hinihinalang katayan at bentahan ng dog meat sa Barangay Commonwealth, Quezon City.

Nabisto ng mga pulis at AKF na ilang araw nang hindi pinapakain o pinaiinom ang mga aso.

"Nung pagkuha po sa mga aso napansin namin na nanghihina sila... Super dehydrated po ang mga aso," ani Atty. Heidi Caguioa, program director ng AKF.

Sa sumbong na natanggap ng AKF, binebenta ang mga aso para katayin at gawing karne.

Ang suspek na si Ferdinand Manas ang sinasabing dog catcher umano sa Bgy. Commonwealth. Nahuli siya matapos magpanggap ang asset ng pulis na bibili ng aso.

"Nag-conduct ng surveillance ang team ko na nag-start ng Thursday... Eh trabaho niya talaga 'yung nanghuhuli ng asong gala. Pinapatay pala niya doon at binebenta niya. Ginagawang pulutan 'yung aso," sabi ni Police Lt. Fernando Cantillas, deputy ng Criminal Investigation and Detection Group-Karingal.

Itinanggi naman ni Manas ang paratang at sinabing dadalhin daw niya ang mga aso sa city pound. Alam din daw niya ang mga batas kaya hindi niya ito lalabagin.

"Napakalaking question mark po 'yan. Bawal po 'yan. Nasa city ordinance po 'yan. Talagang alam po ng Diyos 'yan," aniya.

Pero iba ang na-record sa usapan nila ng AKF kung saan maririnig si Manas na dinedetalye ang mga transaksiyon.

Nalaman din ng AKF na 2 taon na palang hindi pinapayagan ng lokal na pamahalaan ng Quezon City ang paghuli ng aso sa Commonwealth dahil hindi nila dinadala sa city pound ang mga nakukuha.

"2017 pa nare-receive na namin ang complaint na maraming nawawalan ng aso sa Commonwealth. Ang sinasabi ng barangay tinu-turnover nila pero hindi naman ginawa," ani Dr. Rolly Villamor ng Quezon City Veterinary Department.

Mula sa Quezon City, dadalhin sa Capas, Tarlac sa AKS shelter ang 6 aso kung saan sasailalim sila sa rehabilitasyon.

Kakasuhan din ng mga awtoridad si Manas.

—Ulat ni Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.