2 bata nalunod sa ilog sa Negros Occidental

Mark Salanga, ABS-CBN News

Posted at Jun 09 2019 11:44 PM

TALISAY CITY, Negros Occidental -- Dalawang bata ang nalunod sa ilog sa Barangay Zone 6 sa Talisay City, Negros Occidental.

Linggo ng hapon nang pumunta si Kagawad Arthur Demejillo sa gilid ng ilog para tingnan ang mga alagang baboy. Ikinagulat niya nang makita ang katawan ng batang si John Daze Nemes na palutang-lutang sa ilog.

Agad itong tumawag ng tulong at isinugod ang bata sa health center.

Sunod na nakita ang batang si Christian Alati-it na agad ding isinugod sa health center.

Isa pang walong taong gulang na bata ang kasama ng dalawang biktima nang naligo sa ilog pero agad daw itong umalis dahil pinagalitan siya ng kaniyang ama.

Dead on arrival sa ospital ang dalawang bata.

Ayon sa mga opisyal ng barangay, hindi talaga nila pinahihintulutan ang mga bata na lumangoy sa ilog dahil napakarumi nito. Delikado rin umano ang biglang pagtaas ng tubig sa ilog.

Planong lagyan ng bakod ang paligid ng ilog para wala nang pumunta rito para lumangoy.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.