1 patay matapos 'manlaban' sa drug ops sa Davao City

Berchan Louie Angchay, ABS-CBN News

Posted at Jun 09 2019 09:51 AM

DAVAO CITY - Isa ang patay habang isa pa ang naaresto sa magkahiwalay ng drug operation sa lungsod na ito ngayong weekend. 

Napatay ang suspek na si Dounjie Ahunin sa Barangay Panacan matapos umano itong manlaban nang mahalatang pulis ang pinagbentahan niya ng droga, Linggo ng madaling-araw, ayon sa mga imbestigador. 

Nakuha anila kay Ahunin ang P200,000 halaga ng shabu at isang .38 revolver. 

Dayo lamang sa lugar ang suspek, sabi ng mga opisyal ng barangay. 

Kakalaya lamang niya matapos makulong noong 2015 dahil sa ilegal na droga, dagdag ng pulisya. 

Samantala, nahuli naman ang isang Ruben Somuza matapos makitaan ng 3 pakete ng hinihinalang shabu sa Barangay 31-D, Sabado ng hapon. 

Kakalaya lamang din ni Somuza matapos makulong nang halos 5 taon dahil sa kaso sa ilegal na droga, sabi ng mga imbestigador. 

Karamihan anila sa mga parokyano ng suspek ay mga tricycle driver. 

Iginiit naman ni Somuza na itinanim lang sa kanya ng mga awtoridad ang ebidesya laban sa kanya. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.