Iba't ibang bahagi ng Kamaynilaan, binaha dahil sa pagbayo ng Bagyong 'Domeng'

ABS-CBN News

Posted at Jun 09 2018 07:38 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Magdamag at maghapong inulan ang Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa at ilang pagbaha ang naiulat dahil sa paghila ng bagyong "Domeng" sa habagat.

Bahagyang umapaw ang Estero de Magdalena sa Tondo, at kasama nito ang mga naglutangang basura.

Kahit 13 truck na ng basura ang nahakot mula nitong Miyerkoles, tila paikot-ikot lang ang nangyayari dahil tuloy pa rin ang pagtatapon sa estero.

"Patuloy lang namin gagawin 'yan, mahirap mag-set ng deadline dahil ngayon po umuulan," ani Metropolitan Manila Development Authority Special Operations Group head Bong Nebrija. 

Lubog naman sa baha ang ilang bahagi ng Soliven Subdivision sa Barangay Mayamot sa Antipolo City.

Ginawa nang instant palaruan ng mga bata ang baha. Sinisisi ng ilang mga residente ang mga basurang nagbabara sa drainage kaya mabilis ang pagtaas ng tubig. 

Sa Roxas Boulevard, nagsimula na ring mapunta sa pampang ang mga basura. 

Pero kahit naman malakas ang hangin, patuloy ang pagdating ng ilang turista sa Pier 15 sa Maynila.

Ibinahagi naman ng Bayan Patrollers ang kanilang mga kuhang video ng pag-ulan at pagbaha sa ilang lugar.

Sa Boracay, patuloy na sinusuong ng mga motorista at ilang mga residente ang bahang naipon sa lugar mula sa magdamag na buhos ng ulan.

Inaasahang sa Linggo lalabas ng Philippine area of responsibility si "Domeng" pero mananatili ang dala nitong pag-ulan hanggang Lunes, ayon sa PAGASA.

--Ulat ni Kevin Manalo, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.