19 huli sa droga sa Kamaynilaan

ABS-CBN News

Posted at Jun 09 2018 05:34 AM

MAYNILA - Naaresto ng mga pulis ang 19 katao sa magkahiwalay na operasyon kontra droga sa Kamaynilaan.

Sa ulat ng Manila Police District (MPD) Station 7, unang naaresto Biyernes ng madaling araw sa Tondo, Maynila ang 4 na menor de edad at 2 iba pa na nasa hustong gulang.

Nakuha sa kanila ang isang bulto ng marijuana na may bigat na isang kilo.

Alas-5:30 ng hapon, nagresulta naman ang isang operasyon sa pagkakaaresto ng 5 suspek na nakumpiskahan ng 750 gramo ng marijuana.

Samantala, kalaboso ang 8 katao sa magkahiwalay na buy-bust operation ng Cubao police.

Sa Barangay Valencia, nakuhanan ang isang menor de edad at 18-anyos na lalaki ng high-grade marijuana o kush.

Sa Barangay San Martin De Porres, 4 naman ang nahuli ng mga pulis.

Dalawa naman ang naaresto sa Barangay Socorro kasama ang isang estudyante na naka-uniporme pa.

Mahaharap ang mga nahuli sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. - ulat ni Michael Delizo at Isay Reyes, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.