Tatlo patay sa operasyon kontra droga sa Rizal

ABS-CBN News

Posted at Jun 09 2017 12:31 PM

Tatlong lalaki, kabilang ang mag-ama, na hinihinalang may kinalaman sa bentahan ng droga sa Marikina City at Rizal ang napatay Huwebes matapos umanong makipaghabulan sa awtoridad.

Nasawi ang mga suspek na sina Von Martinez Sr., 47, ang anak nitong si Von Martinez Jr., 21, at Chiquito Alcaraz, 43, sa magkahiwalay na operasyon na ikinasa ng mga pulis sa barangay San Isidro sa Cainta at sa Barangay Mayamot sa Antipolo City.

Ayon sa mga pulis, nakipagpalitan ng putok ang mga suspek sa mga awtoridad. Nasawi ang mag-amang Martinez sa isang eskina, habang si Alcaraz naman ay binawian ng buhay sa ibabaw ng bubong.

Pinaghihinalaan ang mga suspek na mga kasabwat ng isang alias Alvin na 'di umano'y nagtutulak ng droga sa Marikina at iba pang bahagi ng Rizal.

Nakuha sa mga napatay ang mga baril, bala, at ilang sachet ng hinihinalang shabu.

Nabigo naman ang mga pulis na mahuli si alias Alvin.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.