Street sweeper, patay sa pamamaril sa Isabela

Danielle Rebollos, ABS-CBN News

Posted at Jun 09 2017 09:33 PM

Isang street sweeper ang pinagbabaril ng hindi pa kilalang mga armadong lalaki sa Isabela, Huwebes ng umaga

ISABELA—Patay sa pamamaril ang isang street sweeper sa Barangay Victory Sur, Santiago City, Isabela nitong Huwebes.

Sa imbestigasyon, katatapos lang umanong magwalis ni Mario Dela Cruz, 52, nang pagbabarilin siya ng 'di pa kilalang mga salarin na nakasakay sa motorsiklo.

Itinakbo agad ang biktima sa ospital pero idineklarang “dead on arrival.”

Ayon kay Chief Insp. Reynaldo Maggay, hepe ng Santiago City Police Station 1, isa sa mga motibong tinitignan nila ay ang pagkakasangkot ng biktima sa iligal na droga.

Isa ang biktima sa mga sumuko sa Oplan Tokhang noong nakaraang taon.

Kinumpirma naman ito ng pamilya ni Dela Cruz, pero iginiit nila na nagbago na ito kaya naman palaisipan para sa kanila kung bakit siya pinaslang.

Patuloy na tinutugis ng pulisya ang mga suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.