Ninja guard? Pagtapon ng nasabat na droga sa inidoro sa BJMP, sinisiyasat

Michael Delizo, DZMM

Posted at Jun 09 2017 10:05 AM

Iniimbestigahan ngayon ang ilang tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) dahil sa mali nilang pag-dispose sa mga nasabat na iligal na droga.

Sa dokumento na nakalap ng Radyo Patrol mula sa Camp Bagong Diwa, lumalabas na nagkaroon ng greyhound operation sa Metro Manila District Jail (MMDJ), sa pamumuno ni Jail Inspector Rene Cullalad, kung saan may nakumpiska na 9 na sachet ng shabu.

Imbes na dalhin sa safekeeping, itinapon umano ang mga nasabat na ebidensya sa toilet bowl.

Sa memorandum na pirmado ni Jail Senior Superintendent Alberto Balauag, ang OIC ng Directorate of Operations, inatasan niya si Jail Supt. Romeo Elisan Jr., ang regional director ng BJMP-NCR, na magpaliwanag kaugnay sa kabiguan ng kanyang tauhan na i-dispose ng tama ang mga droga.

Pero ayon sa preso na nakausap ng Radyo Patrol, hindi 9 ang nakumpiska sa MMDJ kundi 50 sachet.

Nagdududa tuloy ang ilan na maaaring i-recycle ang 41 iba pang sachet na hindi naideklara.

Samantala, 10 araw nang walang kuryente sa bilangguan, gayundin ang supply ng tubig -- ito ang sinasabing dahilan ng pagkaburyo ng mga preso kaya nagkaroon ng noise barrage noong Martes, na nauwi sa madugong riot.

Matapos ang kaguluhan, muling hinalughog ang mga dormitoryo ng nga bilanggo na nagresulta sa pagkakakumpiska ng aabot sa 50 armas.

Patuloy namang naka-lockdown ang MMDJ.