Jeepney driver, patay matapos barilin ng pinsan sa Ilocos Norte

Dianne Dy, ABS-CBN News

Posted at Jun 10 2017 04:36 AM

ILOCOS NORTE—Patay ang isang jeeney driver matapos barilin ng kanyang pinsan sa bayan ng Sarrat, Ilocos Norte Miyerkules ng gabi.

Pitong tama ng baril ang tinamo ni Antonio Abay, 36, nang pagbabarilin ito ng pinsan na si Reggie Rivac.

Ayon sa imbestigasyon, nag-inuman ang magpinsan sa kanilang bahay dahil graduation ng isa pa nilang pinsan.

Pero ang kanilang inuman ay nauwi sa hindi pagkakaintindihan.

Ayon sa suspek, dinepensahan niya lamang ang kanyang sarili.

“Tinutok niya baril sa amin, inagaw ko, inunahan ko na baka naman kami ang mapatay niya," ani Rivac.

Sinampahan ang suspek ng kasong homicide, pero ito'y nagbayad ng piyansa.

Isang ambulance driver ng rural health unit ang suspek sa bayan ng Sarrat.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.