Alamin: Mga bawal sa anti-distracted driving law

ABS-CBN News

Posted at Jun 09 2017 07:52 PM | Updated as of Jun 10 2017 12:30 AM

Ilalabas na sa Martes ng Land Transportation Office (LTO) ang implementing rules and regulation (IRR) ng Anti-Distracted Driving Act kung saan hindi na kasama sa ipagbabawal ang accessories at dash cam. 

"Hindi covered pa rito sa batas na ito 'yung sinasabing accessories, probably later on," paglilinaw ni LTO Assistant Secretary Edgar Galvante.

Bukod pa rito, puwede na ring maglagay ng electronic devices basta hindi lalagpas sa apat na pulgada. 

Dapat din ay horizontal o pahiga ang pagkakalagay ng device sa dashboard para pumasok sa sukat na apat na pulgada. 

“A good place that would not provide so much distraction or would not impede the line of sight,” ayon kay Galvante.

Ayon sa LTO, dumaan sa konsultasyon sa drivers association ang sukat na kanilang pinagbasehan. 

Kung lalagpas naman sa apat na pulgada ang device, dapat itong i-adjust pababa ng dashboard.

Pero nilinaw ng LTO na bawal pa ring gamitin sa panonood ng mga pelikula ang mobile device sa sasakyan at hindi rin puwedeng hawakan ang cellphone para mag-text o tumawag.

Bagamat ilalabas na sa Martes ang IRR, wala pang petsa kung kailan magsisimulang manghuli ng mga lalabag sa Anti-Distracted Driving Act.

Nitong Mayo, ipinatupad ng Department of Transportation ang Anti-Distracted Driving Act o ang batas na nagbabawal sa paglalagay ng mga electronic at cellular devices sa dashboard at windshield ng sasakyan.

Pero marami ang nagreklamo nang nadagdagan ang mga bagay na ipinagbabawal tulad ng mga accessories, mga maliliit na imahen, at pati rosaryo.

Umalma ang mga mambabatas dahil naglikha ito ng kalituhan sa mga motorista at ipinatigil ang implementasyon nito noong Mayo 23.

-- Ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.