12 batang lumikas sa Marawi City, nagbalik-eskwela sa Pangasinan

Joanna Tacason, ABS-CBN News

Posted at Jun 09 2017 06:49 PM

Mula Marawi City, sa Urdaneta 1 Central Elementary School na mag-aaral sa taong ito ang magkapatid na sina Saidameh at Saimor. Joanna Tacason, ABS-CBN News

Parehong pumasok bilang mga mag-aaral sa Grade 5 ang magkapatid na sina Saidameh at Saimor sa Urdaneta 1 Central Elementary School matapos lumikas mula sa kaguluhan sa Marawi City.

Inilikas ang dalawa ng kanilang mga magulang tungong Pangasinan, kung saan mayroon silang mga kamag-anak, matapos sumiklab ang bakbakan sa pagitan ng mga terorista at pwersa ng gobyerno sa Marawi City.

Hindi mapigilan ni Saidameh na maluha habang ikinukuwento ang naging karanasan sa Marawi City. 

“Diretso ang putukan nila. Kapag ganun, nagtatago na lang kami sa bahay namin o kaya sa simbahan, Natatakot kasi kami 'eh. Tapos umalis na kami doon,” kuwento ng bata.

Lumikas din sa Pangasinan ang pamilya ng magpinsang sina Faisaniah at Janisah dahil nasira na raw ng giyera ang kanilang paaralan sa Calocan Elementary School sa Marawi City.

Sa Pangasinan na rin mag-aaral ang magpinsang sina Faisaniah at Janisah, na galing rin sa Marawi City. Joanna Tacason, ABS-CBN News

“Nasira ang bahay namin doon, pati iyong school namin, wala na kaming babalikan, naiwan din mga kamag-anak namin doon,” kuwento ni Faisaniah.

Ilan lamang sila sa 12 estudyante na taga-Marawi City na napilitang lumikas sa ibang lugar para maipagpatuloy ang pag-aaral. Pero kung sila ang tatanungin, nais raw nilang bumalik pa sa Marawi City kahit pa nawasak na ng giyera ang lungsod.

Tanging hiling naman ng mga magulang ng mga bata ay matapos na ang bakbakan at magkaroon na ng kapayapaan lalo’t maraming sibilyan na ang nadamay.

Mahigit 200 na ang namamatay sa bakbakan mula noong Mayo 23, habang higit 200,000 na residente na ang lumikas mula sa siyudad. 

Ayon naman sa pamunuan ng paaralan, handa silang tumanggap pa ng ibang estudyante mula sa Marawi City na nais mag-aral. Nasa kanila na kung pipiliing mag-aral sa regular class schedule o sa Madrasa, kung saan kulturang Islam at Arab ang ituturo sa kanila.

“Willing naman kaming tanggapin sila, hindi natin sila pwedeng tanggihan. Meron kaming ino-offer dito sa school na Madrasa para sa mga Muslim students,” ayon sa principal na si Robert Tababa.

Umaasa ang militar na mawawakasan na ang kaguluhan sa Marawi City sa Lunes, kasabay ng paggunita sa Araw ng Kalayaan.