1 patay, 4 sugatan sa pamamaril sa Isabela

Danielle Rebollos, ABS-CBN News

Posted at Jun 09 2017 10:18 PM

Pinagbabaril ni Jesus Abat, dating sundalo, ang kanyang mga mga kaanak sa Isabela nitong Biyernes. Danielle Rebollos, ABS-CBN News

ISABELA—Isa ang patay at apat ang sugatan matapos pagbabarilin ng isang dating sundalo ang kanyang mga kapamilya sa bayan ng Alicia sa probinsiya ng Isabela Biyernes ng umaga.

Idineklarang dead on arrival sa ospital si Arvin Tayan matapos barilin sa tagiliran ng kanyang tiyo na si Jesus Abat, 53.

Sugatan naman ang kanyang ama na si Arthur, nanay na si Brehida, at isang kapatid na si Arjay.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Philippine National Police-Alicia, away-pamilya ang pangunahing motibo ng krimen.

Ayon kay Arthur, pinagbibintangan ni Abat ang asawa niyang si Brehida na nagsusumbong daw ito sa asawa ni Abat na nasa Mindanao dahil diumano ay may iba na itong kinakasama. 

Pero giit ni Arthur, hindi raw sila nakikialam sa buhay ni Jesus.

Dagdag niya, matagal na umanong may alitan ang kanilang pamilya at matagal na rin daw silang pinagbabantaan ni Abat na papatayin umano sila.

Ayon kay Aling Lita, kapatid ng suspek at ng biktima, kapitbahay niya sila kaya dinig niya ang sigawan at away na nauwi sa barilan.

May isa rin umanong kapitbahay na nadamay.

Galit ang pamilya Tayan sa suspek kaya desidido silang magdemanda.

Nakatakas ang suspek na patuloy na tinutugis ng pulisya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.