Palalawigin na ng Philippine National Police Civil Security Group ang kanilang serbisyo at bubuksan na ang kanilang one-stop shop at iba pang satellite offices sa tuwing Sabado at Linggo.
Simula sa darating na weekend o sa Hunyo 10, simula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon, bubuksan na ang CSG one-stop shop sa Camp Crame sa Quezon City kung saan pwedeng magproseso ng application ng License to Own and Posses Firearm, firearm registrations, permit to transport at iba pa.
Ayon kay PNP CSG Director PBGen. Benjamin Silo Jr., bukod sa pagbibigay konsiderasyon sa mga nais na mag proseso ng kanilang permit o aplikasyon pero may pasok naman tuwing weekday, ginawa rin ang hakbang na ito para mabawasan ang bilang ng loose firearms lalo na ngayong papalapit ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.
"In anticipation sa darating na BSKE may kampanya kami para magkaroon ng significant reduction ang ating loose firearms. Ang dahilan ng pagdami ng loose firearms ay ito ay nae-expire na firearms registration," ani PBGen. Benjamin Silo Jr., director ng PNP-CSG.
Bukas din nang Sabado at Linggo ang satellite offices at stakeholder assistance centers na nasa mga mall, dagdag pa ni Silo.
Batay sa datos PNP CSG, simula noong June 2, may 2.1 million na registered firearms, at 25 percent nito o 539 thousand ay expired ang lisensya.
Giit ni Silo hindi naman ito nakaka alarma dahil ang karaniwang dahilan aniya ng mga mga may-ari ng baril na hindi nakakapag-renew ay wala umano silang oras tuwing weekday.
Pinakamaraming bilang na may pasong lisensya ay sa NCR na nakapagtala ng 211,000. Sinundan ito ng Region 4A na may 108,000 at ang Region 3 na may mahigit 60,000.
"Marami kasi kaming naencounter na naiinterview sa kanila, yung iba nag abroad, yung iba siguro naghihintay talaga na mailapit sa kanila ang serbisyo namin. Yung iba naman nakakalimutan nila na paso na pala yung baril nila pero most of them have the intention to renew kaya kapag kinatok namin sila paso or mapapaso na yung baril nila, nagcocomply naman sila. So we really had to intensify our drive para maecourage yung public especially yung gun holders to renew their expired licenses," paliwanag ni Silo.
Paalala ni Silo sa mga may-ari ng baril na irenew agad ang kanilang lisesnya kung mapapaso na ito. Bukod sa malalabag aniya ang RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, maaari ring ma-disqualify sila na mag-may-ari ng baril kung maraming beses na hindi nakapag-renew ng lisensya.
"Kapag kinatok ka po dahil mapapaso na ang lisensya mo may dalawa ka pong option: Una iwanan sa bahay at i-renew ang lisensya nyo. Pangalawa po pwede nyo po isurrender temporary custody ng pinakamalapit na police station. Ngayon naman po kapag kinatok ka at napaso na ang baril mo, mandatory po na dapat i-surrender nyo ang baril sa pinaka malapit na police station habang nagre-renew at pinoproseso yung renewal ng baril mo kasi po kapag napaso na may violation na sa RA 10591...'Pag dalawang beses ka po na pumalya sa pagpapalisensya dalawang beses kang nahuli ang epekto nito magkakaroon ka ng perpetual disqualification para mag may ari ng baril," ani Silo.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.