CALAPAN CITY, Oriental Mindoro -- Inilibing na ngayong araw ang adio broadcaster na si Cresenciano "Cris" Bundoquin na binaril at napatay noong umaga ng Mayo 31, 2023.
Alas-12 ng tanghali nang dumating ang mga labi ni Bundoquin sa St. Benedict Chaplaincy para sa isang misa.
Nababalutan ang kanyang ataul ng bandila ng grupong Guardian Emigrant kung saan sya ang Oriental Mindoro Director.
Dinaluhan ang misa ng pamilya ni Bundoquin, mga kaibigan, kamag-anak, mga kasamahan sa Guardian Emigrant at mga kapwa mamamahayag.
Ayon kay Jester Medrano Joaquin, general mnager ng DWXR 101.7 Kalahi FM kung saan may lingguhang programa si Bundoquin:
"Yan po ang isa sa masakit tanggapin na napilayan kami ng isang mamamahayag .. isang magaling na mamamahayag dito sa Oriental Mindoro," aniyam
Katarungan naman ang panawagan ni Ramon Añonuevo na kapwa broadcaster.
"Ang kahilingan ko sa mga otoridad at mga kapulisan, sana mabigyan ng katarungan ang kasamahan namin sa hanap buhay na si Cris Bunduquin," aniya.
Kinumpirma naman ni Sandy Soriano, ang co-anchor ni Bundoquin sa programang "Balita at Talakayan" na may mga natatanggap na banta sa kanyang buhay si Bundoquin.
"Madaming naikwekwento sa akin at ultimong minsan sa programa namin natigil, may natawag at pag tinatanong ko sya kung ano yun, sinasabing wala, nananakot lamang at hindi ko naman alam kung saan galing ang mga yun," aniya.
Sa unang pagkakataon, nagsalita ang maybahay nito na si Francia.
"Ako po ay nananawagan sa inyo mula sa aking pamilya..mula sa aming anak, bigyan po natin ng hustisya ang pagkamatay ni Cresenciano Bundoquin. Sa pamamagitan nya, nagkaisa po tayo upang mabigyan ng hustisya ang kanyang pagkamatay," ani Francia.
Inihimlay si Bundoquin sa Holy Garden Memorial Park sa Barangay Lalud, Calapan City, Oriental Mindoro.
Sigaw ng mga mamamahayag sa Oriental Mindoro: "Justice for Cris Bundoquin"
--Ulat ni Noel Alamar
KAUGNAY NA VIDEO
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPh, Tagalog news, balita, Media Killing, Calapan City, Oriental Mindoro, SITG Bundoquin, krimen